Nagluluksa ang buong bansa sa kamatayan ni Dolphy at hanggang sa kanyang libingan sa Heritage Park and Crematory sa Taguig City ay namimighati ang mga nagmamahal sa komedyante.
Pero sa kabila ng pagluha ay may halakhak din ang mga nalulungkot sa pagyao ni Mang Dolphy.
Dahil nga sa preparasyon din niya sa ating lahat na siya man ay mortal, na siya man ay maglalaho kaya sa gitna ng makatotohanang patotoong ito, nagawa pa rin niyang magpatawa tungkol sa buhay at kamatayan sa kanyang mga pelikula, telebisyon at personal na pagtatanghal.
Dahil na rin sa si Dolphy ang nagturo sa atin na idaan sa ngiti o tawa o halakhak ang mga hilahil ng pang-araw-araw na buhay.
Paulit-ulit rin itong babanggitin sa iba’t ibang midyum ng komunikasyon ng mga kasamahan natin sa hanapbuhay—noon mang siya buhay pa at lalo na nitong siya ay patay na.
Na nang dahil sa pagngiti—sa pang-i-engganyo sa ating lahat ng pagngiti—ni John Puruntong sa “John en Marsha” at ni Kevin Cosme sa “Home Along Da Riles” sa mga problema sa buhay ay tama lang dahil/at bukas ay bagong umaga at/subalit nand’yan na naman ang mga problema, paulit-ulit at nakakakulit na lang na paglutang ng mga suliranin sa buhay lalo na sa pang-ekonomiyang mga pasakit.
***
Ito anang mga taga-media at mga tagapagsaliksik sa ugat at solusyon sa mga problema—lalo na sa pananalapi—ang birtud ni Dolphy kaya nanatili siyang impluwensiya sa napakaraming dekada at mga henerasyon ng kanyang mga tagasubaybay sa kanyang pamamayagpag sa industriya ng lokal na aliw.
Na tinanggap naman ng halos lahat sa atin dahil mahirap—hindi basta-basta—ngang makisali sa pagsasakripisyo ng mga kaalwanan sa buhay para ipaglaban ang mga karapatan ng mas superyor, makatarungan at pantay-pantay na kasiyahan at pagkakamit ng grasya sa lukbutan lalo na at kabilang ang mga karapatan sa paggawa at disenteng pamumuhay na maipagkakaloob ng mga batas na maaaring ipatupad ng mga mambabatas at mga lider sa pamahalaan sa kagalingan ng publiko.
Pero sa ating kamalayan, at namamalayan din ito ni Dolphy, hindi naman naipapatupad nang wasto ang mga batas na disin sana’y para sa lahat o ang pag-uugit at pag-aamyenda ng batas para sa kapakanan ng higit na nakararami lalo na sa pagkita ng pera.
Hindi biru-biro ang pakikilahok sa paglaya ng bayan sa tanikala ng pambubusabos at pagsasamantala lalo na sa pagkakamit ng mas mataas na sahod sa paggawa.
Kaya idaan na lang muna sa pagngiti at pag-asam sa magandang buhay kung hindi man dito sa lupa ay sa kabilang buhay.
Ito ang itinuro ng sining ni Dolphy, sa unang tingin.
Na parang wala nang magagawa sa mga problema ng ating pang-araw-araw na pagtitiis sa pagdarahop kundi ang tawanan na lang ang mga ito.
***
Kahit naman si Dolphy ay takot sa pagpapatupad ng matwid na pagkita ng pera sa paggawa o pamamahala sa kagalingan ng balana kaya siya mismo, sa pamamagitan ng kanyang malaking personal na kita sa kanyang pagkokomedya ang nag-aabono sa mga nangangailangan.
Pero hindi pa posible na mabigyang lahat ni Dolphy ng biyaya ang mga aba kaya magkakasya at tutumbasan na lang muna ng pagtawa sa kanyang komedya.
Hindi nga ba’t ilang beses na niyang tinatanggihan ang paglahok sa pulitika dahil ang kanyang katwiran ay madaling manalo sa pagtakbo pero paano kung manalo?
Makakapaglingkod nga ba siya nang mahusay, walang mintis at matapat sa kanyang mga nasasakupang kababayan kung hindi siya lalahok sa pamumulitika, sa karnabal at masalimuot na pulitika at kikiling sa desisyon ng kanyang kakumpare o kakumare sa liderato kahit na taliwas sa kanyang paniniwala at pananalig?
Ito ang isa sa kanyang magiging sangandaan o ligalig ng kanyang budhi kung sasali siya sa makamandag na tuklawan sa pulitika.
Gaano nga ba siya kahanda sa paglilingkod kung ngiti lang ang sagot sa bawat problema?
Alam ito ni Mang Dolphy.
Kaya nagkasya na lang siya sa pagiging totoong tao niya sa pribadong galaw pigtal sa komplikasyon ng pagpapalaya sa sambayanan sa mas malaking bahagdan ng kanyang pakikisalamuha sa kung anu-anong klaseng kapwa.
Kaya pati bawat Juan de la Cruz ay mana sa kanya bagamat nagpupumiglas na rin ang pagtutol ni Dolphy nang siya ay nabubuhay pa—pareho ng pag-alsa ng protesta ng mga pangkaraniwang Juan at Juana de la Cruz sa gitna ng pagkalito at panglilito ng mga nagkokontrol kay Dolphy at kay Juan at Juana de la Cruz.
Sumilid na rin ang leksyon ni Dolphy sa ating lahat, sa ating isip at puso, sa desimuladong pamamaraan nga lamang bago pa pumuslit sa kalituhan.
Malawak na ang karanasan ni Dolphy sa mga uri ng tao sa mababa at mataas na antas ng lipunan at alam niya ang mga sagot sa mga tanong ng paghihikahos pero isinalalay lang muna niya sa malaya nating pag-iisip ang lahat ng pagmuni-muni.
***
Ngayong pumanaw na si Dolphy ay buhay pa rin ang kanyang aral ng pagpapakabuti subalit kumplikado nga ang tunggalian sa lipunang ito—kapos pa ang pagtrato sa ang itim ay itim, ang puti ay puti dahil may kulay-abo pang nakapinta sa bawat himaymay ng balat at kalamnan.
Iniwan ni Mang Dolphy sa ating lahat ang mga sagot sa bugtong ng buhay upang limiin ang mga ugat ng mga problemang inuukilkil at kinukulit sa kanya ng biyenang si Donya Delilah na “kaya, John, para umasenso ka, magsumikap ka.”
Hindi lang ito kasipagan sa trabaho at bulag na pagsunod sa mga mapaniil na reglamento kundi pagsisikap na mag-isip at kumilos na baliin ang tanikala ng kaapihan ng mga Donya Delilah habang si John Puruntong ay nag-iisip, bumubungisngis at sa kalaunan, tiyak na nakakaisa o nakikiisa sa kanyang biyenan sa pagtawa.